Para Sa Akin Ito

April 12th, 2017

 Para sa mga Nanay
(tula ni Jun Lisondra, c. 2009)

-para sa mga nanay na natutulog sa gabi na mayroong pipino sa magkabilang mata
-para sa mga nanay na kayang sinupin ang lahat ng gamit sa bahay, at mabilis na maituturo ang kinalalagyan ng brief, remote control, stapler at nail cutter kapag ang mga ito ay nawala
-para sa mga nanay na kayang panatiliing maganda ang sarili habang natitiyak na natatapos ng mga anak ang kanilang school projects at assignments
-para sa mga nanay na kayang gumising nang maaga kahit kinagabihan ay napuyat sa pag-iyak sa kakapanuod ng Maala-ala Mo Kaya o pag-surf ng Facebook
-para sa mga nanay na nag-decide na burahin ang kanilang Friendster account
-para sa mga nanay na mahilig picturan ang sarili nang patagilid gamit ang cellphone (dahil ito ang pinakamatangos nilang angulo)
-para sa mga nanay na kayang mag-budget ng salapi, at alam na ang pagkain ay mas mataas na priority keysa sa mga bargain na Metro magazines
-para sa mga nanay na alam kung ano ang bagay na kulay ng kanilang cutex sa kamay at paa
-para sa mga nanay na mas nananalig sa sasabihin ng asawa keysa sa mga pagbabanta ng arawan at taunang horoscope
-para sa mga nanay na marunong manahi ng mga sirang damit at marunong mamili ng magandang damit sa mga ukay-ukay
-para sa mga nanay na nagtatrabaho ng 8-to-5 na hindi tinatamad sa pag-text upang tanungin kung naligo at kumain na ang mga anak
-para sa mga nanay na kayang iwasto ang kamalian ng asawa at may panahon upang alamin ang pinakabagong chismis ni Kris Aquino
-para sa mga nanay na hindi iniiwan nang nakasaksak ang plantsa
-para sa mga nanay na umiiyak at humahalkhak sa mga pelikula ni Nora, Vilma, Sharon at Ai-ai
-para sa mga nanay na nalulungkot kapag chinismis na bakla si Piolo Pascual at Sam Milby
-para sa mga nanay na kayang sayawin ang Build Me Up Butter Cup, at kayang mag-belt ng One Moment In Time kahit na nga ba napipiyok sa harap ng mikropono
-para sa mga nanay na kayang magluto ng kanin na hindi malata o tupok habang isinisingit ang pagbabasa kay Erica Jong
-para sa mga nanay alam ang masamang epekto ng carbohydrates, sweets, asin, vetsin at coca cola sa katawan
-para sa mga nanay na vegetarian at kayang magluto ng kaldereta, spaghetti at adobo, gamit lamang ang tofu
-para sa mga nanay na mas preferred magluto ng kanin sa agahan keysa mag-serve ng Payless instant noodles.
-para sa mga nanay na alam kung paano lutuin ang tinolang manok nang hindi gumagamit ng Knorr chicken cubes
-para sa mga nanay na alam kung saan patatamain at kung paano i-set ang bentelador nang hindi sipunin ang anak
-para sa mga nanay na alam kung paanong pahuhupain ang lagnat at kung paanong reremedyuhan ang baradong ilong ng anak
-para sa mga nanay na hindi nauubusan nang oras upang basahan ng children’s encyclopedia at kuwentuhan ng Adarna books ang mga anak
-para sa mga nanay na alam kung paanong papuputiin ang kuwelyo ng mga uniporme, at nakakaalalang painumin sa tamang oras ng vitamins ang mga anak
-para sa mga nanay na alam kung alin ang pinakamahusay na sabong panlaba, sabong pampaligo, at shampoo
-para sa mga nanay na alam kung saan mabibili ang pinakamagandang bargain
-para sa mga nanay ng mga tambay at valedictorian
-para sa mga nanay na kayang manapak ng mga nobyo ng kanilang anak, at paglutuan ito nang masarap na ulam pag naging manugang na
-para sa mga nanay na piniling mangibang bansa habang dinadaya ang sarili sa pag-convince na ginagawa nila iyon sa kanilang mga anak (matapos ay limang buwang mag-iiiyak dahil sa homesick)
-para sa mga nanay na parating nagbi-beat ng deadline habang natitiyak na maayos ang pananghalian at tulugan ng mga anak
-para sa mga nanay na nagtatrabaho sa NGO at pilit na pina-practice ang gender sensitivity, kahit na nga ba ang mga kaopisinang lalaki ay panay sexist at gender insensitive
-para sa mga nanay na umaastang tatay na rin, dahil ang asawa nila’y batugan at walang bayag
-para sa mga nanay na kayang tumungga ng red horse at manigarilyo kapag nalulumbay (at magalit sa anak kapag nalamang ito ay umiinom at naninigarilyo)
-para sa mga nanay na pinuputangina ang sariling anak upang ipahayag ang kaba, ang takot, ang galit dahil sa kapabayaan nito
-para sa mga nanay na hiniwalayan ang asawa, palamunin man o nambubugbog, dahil alam niyang mas makabubuti ito sa kanyang sarili at sa mga anak
-para sa mga nanay na kayang kausapin, iyakan at pagalitan ang Diyos, at isiping ang Lumikha ay walang kasarian
-para sa mga nanay ng welga at kalsadang gustong sapukin, sabunutan at sampalin si PGMA
-para sa mga nanay ng mga dinukot, nawawala, desaparacidos
-para sa mga nanay ng mga pinaslang
-para sa mga nanay ng mga naghahanap at naghahanap ng katarungan
HAPPY MOTHERS DAY.

  • Pasensya. Alam kong mahal na araw ngayon, pero nasa mothers day pa lang ako. This poem was written for me (and all mothers)  for Mothers Day celebration.

Comments are closed.